Pages

Huwebes, Disyembre 28, 2017

Lathalain : Kumonekta sa Kalikasan sa Pamumundok sa Montalban

Swak na swak ang tema para sa World Environment Day sa taong ito na Connecting people to nature” sa nauusong  isport  sa Bayan ng  Rodriguez na “mountaineering” o ang  pamumundok. 
Mountaineering o pamumundok, ang isport ng pag-abot sa  pinakamataas na bahagi o summit ng mga bulubundking lugar alang-alang    lamang sa   personal na kaligayahan at kakutentuhan ng pag-akyat dito.
Isang pang-araw-araw na senaryo na ilang oras pa bago magbukang-liwayway,  tahimik nang nagdaratingan at pumipila ang mga batikan at baguhang mamumundok sa may tarangkahan ng tanggapan ng Department of Environment & Natural Resources (DENR), Department of Tourism at/o sa Tanggapan ng Barangay  para magparehistro bago humayo sa destinasyong bundok sa Rodriguez, Rizal.
Bulubundukin palibhasa ang topograpiya ng bayan ng Rodriguez kaya hango pa ang dating pangalang Montalban sa mga salitang Espanyol na  “Monte” na “mountain” o bundok” ang ibig sabihin at “Alba” na nangangahulugang “white”.     Pinalitan lang ang “Montalban” ng “Rodriguez” bilang parangal sa unang pinuno ng bayang ito at dating Senador ng Pilipinas na si Kgg. Eulogio “Amang” Rodriguez, Sr. sa bisa ng Batas Pambansa Bilang 275 na pinagtibay noong Nobyembre 12, 1982.
Mula sa Kamaynilaan, madaling marating ang Bayan ng Rodriguez kaya hindi lang mga Montalbenos ang nawiwili rito kundi nagiging paborito rin itong destinasyon ng mga mula sa iba’t ibang dako ng bansa. Mayroon na ring mga dayuhan mula sa ibang bansa gaya ng Korea. Nagkakabalitaan tungkol dito dahil sa social media at mga blogs.
Isang requirement na bawat aakyat na indibidwal o pangkat na binubuo ng hanggang pito-katao,  may kasamang isang tour guide na binabayaran ng minimal na halagang Php500.00 sa pag-akyat sa isang bundok at na  nadaragdagan. depende sa bilang ng aakyatin. Bago ang pag-akyat,  nagkakaroon ng maikling orientation na kalimitang pinangunahan ng mga tour guides.
Sulit naman ang mga tour guide dahil alam na alam na nila ang tungkol sa mga bundok na inaakyat kaya nagigig edukasyonal ang  aktibidad na kasama sila.  Bukod dito,  tour guides com photographers ang peg nila dahil        magagaling din silang kumuha ng mga larawan,  ang tanging bagay na maaaring kunin ng mga namumundok mula sa mga inaakyat nilang bundok. 
Bakit nga ba hindi?  Sumasabak sa mga seminar at pagsasanay nng mga tour guides sa photography at iba pa.
 Magkakatulad ang layunin ng bawat namumundok, ang kumonekta sa kalikasan sa pamamagitan ng una,  ang makarating at damhin ang biyayang hatid ng pagtapak sa pinakaituktok ng destinasyong bundok . Dito, hindi lang 'footprints' ang puwede nang iwan kundi maging ang marka na maaaring balikan sa hinaharap o kung hindi man,  masilayan ng mga susunod sa mga yapak ng mga nauna nang umakyat –  mga buto o punla na inihasik o itinanim para maging mga puno.
“Magdala tayo ng maitatanim o kahit mga buto na maihahasik upang maging puno pagdating ng araw sa ating pag-akyat para tulong na rin sa kalikasan,” suhestiyon ni Khay Villorente, dating K-9 Handler o Trainer sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) na kabilang na ngayon sa mga  tour guides ng mga namumundok sa Montalban.
Pangalawang paraan ng pagkonekta sa kalikasan ang pagkakataong malapitan at masilayan man lamang at mapahalagahan ang napakayamang biodiversity ng  bayan na kinabibilangan ng iba't ibang hayop gaya ng paniki, cloud rat, unggoy at iba pa ganoon din ng  mga iba't ibang tanim o puno na makikita o matatanaw habang pahingal-hingal pang naglalakad sa daan.
May mga namumundok na 'by random lang' ang pangkat at pa-isa-isang bundok lang ang inaakyat bagama’t dumadayo pa sila mula sa ibang probinsya.
“Nalaman lang namin sa Facebook ang tungkol sa Mt. Pamitinan kaya nagkayayaan kaming magpipinsan,” ani Claire, 23 taong gulang mula sa Laguna.
“Babalik pa kami pero ibang bundok naman ang aakyatin namin,” paniniyak naman ng kanyang pinsan na si Pauline, edad 23 rin.
May mga namumundok na gumagawa ng twin hike o magkasunod na pag-akyat sa dalawang bundok.  Mayroon ding gumagawa ng  trilogy, quadrilogy, pentalogy, hexalogy, heptalogy, octalogy, ennealogy, decalogy at paniwalaan man o hindi, undecalogy adventure o tatlo hanggang labing isa (11) bundok ang inaakyat sa loob lamang ng isang araw.
Sa kasalukuyan, narito ang mga bundok sa Rodriguez, Rizal na bukas na para sa mga gustong           mamundok.
1. Mt. Pamitinan
Sa lahat ng mga bundok na  inaakyat sa Rodriguez, mukhang ang Mt. Pamitinan na nasa 426 + Meters above sea level (MASL)  ang pinakasikat .  Isa ito sa dalawang maalamat na bundok na pinaghiwalay diumano sa pamamagitan ng sariling lakas ng kathang-isip na bayaning  si Bernardo Carpio upang makalaya siya bagama’t may ibang bersyon namang nagsasabi na nakakadena pa rin siya sa gilid nito upang pigilan ang tuluyang pagsasalpukan nito at  ng Mt. Binicayan.
Sa totoong buhay naman at batay sa kasaysayan,  sa kuweba nito nagtago  si Andres Bonifacio noong 1895 kung saan niya idineklara ang isa sa mga unang deklarasyon ng kalayaan kung saan sinasabing nakaaukit pa rin ang kanyang pahayag na “Viva la Independencia Filipinas”.
Naitampok na rin sa telebisyon at iba pa ang Mt. Pamitinan bilang isa sa mga paboritong akyatin ng mga namumundok sa Montalban.
Maaaring  umabot sa isa’t kalahati hanggang dalawa’t kalahating oras ang pag-akyat dito depende sa  bilis ng paglakad o tagal ng pahinga sa pagitan nito.
Maraming madadaanang viewpoints paakyat dito na nagtatapos sa   pambihirang karanasan ng pag-akyat sa tulong ng malaking lubid bago tuluyang  makasampa sa summit nito sa  ibabaw ng malaking bato,  kung saan tanaw ang Mt. Hapunang Banoy at  ang malayong Mt. Arayat  sa norte, isang malaking bahagi ng Bulubundukin ng  Sierra Madre sa hilagang silangan na kulay berde pa naman at ang papaunlad na bayan ng Rizal, ang malapit na tanawin ng Ilog ng Wawa at Mt. Binicayan.
Talagang mapapa-wow sa 360-degree view na matatanaw dito.

2. Mt. Binicayan
Mas mababa nang ilang metro ang Mt. Binicayan sa taas nitong nasa 424+ MASL pero hindi masasabing mas madaling akyatin.
Mahaba-haba ang bahagi ng kalsadang babagtasin na susundan ng  mga taniman bago ang mga daang mabato at maraming kawayan.  Pinaka-finale ang malalaking paghakbang sa mga naglalakihang  limestone upang marating ang summit.
Nasa dalawang oras ang pag-akyat kung diretso lang o saglit lamang ang mga paghinto para kumuha ng larawan.
Halos katulad lamang ng tanawin sa Mt. Pamitinan ang makikita rito        bagama’t mas malawak na bahagi ng Ilog ng Wawa ang matatanaw habang natatakpan ang isang bahagi ng ng Mt. Hapunang Banoy.
Kapag maaga ang pag-akyat dito, may tsansang makasilay ng mga    unggoy na nagpapalipat-lipat sa mga punong nadadaanan
3. Mt. Hapunang Banoy
Malaki-laki ang hamong  maihahain sa mga baguhang namumundok ng mahigit dalawang oras na pagtahak sa landas paakyat sa pinakaituktok ng Mt. Hapunang Banoy na  nasa 517 MASL.
Kumpara sa mga bundok ng Binicayan at Pamitinan,  higit na matutulis ang mga bato o limestones dito at pagdating sa summit, pahirapan ang pag-upo para sa pagkuha ng piktyur dahil may katulisan ang halos lahat ng bahagi ng malaking bato sa pinakamataas na bahagi nito.
Ngunit bago pa makarating sa summit,  maraming view points na may kanya-kanyang challenge sa mga namumundok.
4. Mt. Parawagan
Isa ito sa mga bundok na iaakyat sa San Rafael, Rodriguez, Rizal na may pinakanakahahamong tanawin sa bandang kanluranin ng Sitio Wawa.
Makikita rito ang mga makikitid na batis, kagubatan, Kabundukn ng Sierra Madre at sa pinakaituktok, masisilayan ang kabuuan ng La Mesa dam Reservoir at kalangitan ng  Makati.
5.  Mount Balagbag
Madali at maluwag ang daan paakyat dito kung kayat paborito rinn ito ng mga turista namimisekleta. 
Sinasabi ng mga tagarito na puno ng mga puno ang lugar na ito noon,  halos kalbo na ito ngayon kaya pahirapan ang pag-akyat dito kapag mainit ang panahon kaya mas gusto at inirerekomenda ng mga nakasubok na ang dim trekking o pag-akyat nang madaling araw o hapon na.
6. Mt. Lagyo  
Nasa 396+ (MASL) ang Mt. Lagyo na nasa  bahaging timog ng Ilog Wawa at  kabubukas lang para sa mga namumundok noong Enero ng taong ito.
Mula sa ituktok ng mga katabi nitong mga bundok ng Hapunang Banoy, Pamitinan at Binicayan,  malinaw na matatanaw ang Mt. Lagyo na maliit man kumpara sa mga ito,  nangangako naman ito ng  sapat na hamon para sa mga adbenturerong namumundok.
7.  Mt. Susong Dalaga
Kasama ito sa mga huling bundok na binuksan para sa mga mountaineers at  di pa tiyak kung ilang MASL ng Mt. Susong Dalaga na natawag na ganiito dahil sa kakatwang hugis nito na tila suso ng dalaga  kaya lang, may butas sa pinagitna nito  .
Gayunpaman,  ayon sa pagsasaliksik ukol sa feedbacks ng mga nakaakyat na rito,  kapag pumunta sa Mt. Lagyo,  pwedeng-pwede nang mag-twin hike at tumuloy na rito.
Sundan ang matarik na daan pababa sa maalikabok na kalsada na tatahakin hanggang marating ang nagsangang daan na papuntang Mt. Susong Dalaga.
Madali naman daw ang daan hanggang marating ang matarik na akyatan papunta sa pinakaituktok nito lalo na sa panahong maulan.
8. Mt. Kapananan
Nasa 567 MASL ang elebasyon ng Mt. Kapananan na maaaring marating sa loob ng tatlo hanggang limang oras pinakamalayong destinasyon ito ng pamumundok na  sa Wawa ang jumpoff site at  ganoon din sa distansya nito sa mga kapwa bundok sa lugar.
Iilang tour guides lamang ang nakaalam ng daan paakyat dito palibhasa, hindi ito puntahan ng karamihang namumundok at kilala lang ito bilang isa sa sampung bundok na destinasyon sa Decalogy Mountain Peak Challenge.
9. Mt. Magloko
Dahil halos bagong bukas pa lang ang bundokna ito,  wala pang gaanong ipormasyon tungkol dito.
10. Mt. Ayaas
Para maakyat ang Mt. Ayaas na nasa 627+MASL ang pinakaituktok, maaaring magsimula sa Brgy. Wawa, Rodriguez, Rizal bilang major jumpoff o sa Brgy. Mascap para sa Minor Jumpoff.
Umaabot sa tatlo hanggang apat na oras ang pag-akyat dito ng mga              karaniwang namumundok gaya ng mga guro ng San Jose National High School  na  umakyat  mula sa Mascap noong bakasyon.
Pagtawid sa ilog,  puro grassland na ang binagtas na napakahabang         landas.  May iilang bahagi na may mangilan-ngilang puno ngunit bago             makarating sa pinakaituktok,  puro damo na lamang ang nasa tabi ng             maalikabok na daanan.
Tiyak na mahirap umakyat dito kapag tag-ulan dahil magiging maputik at madulas ang daan.
11. Mt. Sipit Ulang
Mababa lang kung tutuusin ang Mt. Sipit Ulang na nasa 252+MASL na inaakyat mula sa may Mascap Barangay Hall  nang halos dalawang oras.
Para sa mga baguhang adbenturero,  masarap itong akyatin lalo na kapag di maulan dahil sa pagbagtas sa loob ng mga mala- kuwebang rock formation  kung saan halos gumapang sa pagpasok at kailangang umakyat sa hagdan para makalabas.
Huling rock formation ang  pinaka-summit  nito na animo sipit ng hipon na pinagbatayan ng          pangalan nito kung saan kamangha-mangha rin ang tanawin ng mga mabatong bundok ng Wawa na Hapunang Banoy, Pamitinan at Binacayan at tila malapit lang ang Mt. Ayaas.
Kamangha-mangha ang mga limestone formation dito at       maging ang mga challenge na hatid nito na kung bitin pa, puwedeng magsaydtrip sa Payaran Falls.
12. Mt. Oro
Nasa 340+ MASL ang pinakaituktok ng Mt. Oro na kamakailan lang din binuksan para sa mga namumundok sa Rodriguez na maakyat ang summit sa mahigit kumulang dalawang oras.
13. Mount Lubog
Bahagi  ang Mt. Lubog na nasa 955 MASL ang summit ng lugar na apektado ng banta ng illegal na pagtotrooso bagama’t malapit ito sa Ipo Watershed na nagsusuplay ng tubig sa Kamaynilaan.
Malapit  sa may hangganan ng Bulacan ang Mt. Lubog  kalapit ng Mt. Balagbag

Sa panahon ngayon na parang kabuteng nagsusulputan ang mga pabahay at subdibisyon at idagdag pa ang pagbu-bulldozer sa ilang bahagi ng bayan,  isang kaaya-ayang pambalanse ang promosyon ng ecotourism gaya ng pamumundok ng mga tao Rodriguez.
Lingid sa kaalaman ng ibang tao tao na pagpapakapagod lang ang tingin sa pamumundok, napakabisa itong pantanggal ng stress  sapagkat maituturing na hindi matatawarang tanging biyaya ng kalikasan ang ginhawang alay ng sariwang hangin, ang sayang nalalasap sa napakagagandang tanawin, ang kagandahan ng kalikasan na natutuklasan, ang nakahahamong pagsubok sa pagtahak sa iba’t ibang uri ng landas, ang kapanatagang nararamdaman habang pinagmamasdan ang dagat ng ulap na maabutan sa mga summit ng kabundukan kung umulan kinahapunan bago ang maagang pag-akyat at damdamin ng tagumpay sa bawat pagsampa sa summit ng bundok.
Napakaedukasyonal din ang pamumundok sapagkat naisusulong ang kabilang mukha ng pag-unlad ng bayan ng Rodriguez – ang ekoturismo na nagkakaloob naman ng mga alternatibong pagkakakitaan sa mga mamamayan habang tulong-tulong na pinapahalagahan ang kalikasan.
Sa ngayon, may tatlo nang pangkat ang nakapagsagawa na ng Undecalogy Exploration o pag-akyat na ginawa mula ala una nang madaling araw hanggang 11:45 nang  gabi bagama’t hindi nagtagumpay ang lahat ng kasama na maakyat ang labing isang (11) bundok.
Bilang motibasyon, pinagkakalooban na ng sertipiko ang bawat namumundok na nagtagumpay nang umakyat nang single hike, twin hike, trilogy hanggang undecalogy.